5
September 2, 2021 Imus City, Cavite
Dear Mariam,
Mahal ko, marami na tayong pinagdaan at pagdaaanan pa, masaya ako para sa atin. Sana'y di mawala ang apoy natin sa isa't isa. Maraming mga planong hindi natutuloy dahil sa pandemya. Walang may gusto noon, at wala tayong kapangyarihan sa bagay na ito. Ang magagawa lang natin ay ang umangkop sa panahon. Alam kong magiging maayos din ang lahat, tiwala lang. Habang hindi pa ito maayos, kung maari lamang ay tayo ay laging maayos at hindi nag-aaway.
Mahal ko masaya ako para sayo, nakikita kong mas bumubuti ka. Nakikita ko ring lalo kang gumaganda habang tumatagal. Hindi ako nagsasawang tignan ka, ang mga mata mo ang pinaka gusto ko sayo. Mahal ko ang bawat parte ng katawan mo, bawat liko at bawat kurba nito. Gumiginhawa ang pakiramdam ko tuwing naamoy ang buhok at balat mo. Tuwing malapit ka sakin, napapayapa ang puso ko, payapa, walang iniisip, hinihiling na sana bumagal ang oras tuwing kasama ka. Masaya ako kapag napapasaya kita, at palagi mo akong napapasaya. Sayo lang ako kinikilig, 'pag tinititigan mo ako, nahihiya ako. Mahiyain talaga ako noon, subalit alam kong manghihinayang ako kung 'di ko lalakasan ang loob ko sayo. Marami kang nabago sa akin mahal ko, salamat sa iyo. Sana palagi kitang mapasaya, at sana 'di ka magsawa.
Mahal ko, malayo man tayo sa isa't isa, may bagay na magpapalapit sa atin, makabago na tayo ngayon at salamat dahil may mga ganoong bagay na. Pinaka nalulungkot ako kapag tayo ay magpapaalam na sa isa't isa. Kaya sa bawat oras na kasama ka, 'wag mo sana akong pigiling hawakan ang iyong malambot na mga kamay, nilalasap ko lang ang bawat sandali na kasama ka, na para bang 'yun na ang huli, dahil alam naman nating hindi natin malalaman kung kailan ang huli. Tuwing pinipikit ko ang mga mata ko, nakikita kita, nakikita ko ang mga sandiling magkasama tayo, nakikita ko ang mukha mo, alam kong mananatili 'yun sa puso ko.
Mahal ko, isa kang magandang alala, magandang kasalukuyan, at pangarap na hinaharap ko. Mahal na mahal kita palagi, sana palagi kang nasa maayos na kalagayan, ganoon din ang iyong pamilya. Tulad ng pagbaba ng araw, aangat din ito uli at makikita ng tumutingin sa kanya. Magkikita uli tayo, ang aking liwanag sa umaga.
Your love,
Jared
Comments
Post a Comment