13
April 10, 2022 Imus City, Cavite
Dear Mariam,
Mahal ko, limang buwan akong hindi nagsulat sayo, hindi dahil sa hindi kita mahal, ito'y dahil ilang buwan na kitang kasama. Noong nagtrabaho ako malapit sa lugar niyo, halos dalawang buwan akong nanirahan sa bahay niyo. Ngayong wala na akong trabaho, at ikaw naman ang nag tatrabaho, ikaw naman ang nakatira sa amin. Alam kong mabuti ang pagsusulat sa puso at isip, at alam ko na nagkulang ako sa loob ng ilang buwan sa pagsusulat. Subalit ang mga bagay na hindi ko naisulat sa loob ng panahon na iyon, at dahil sa parating nasa piling mo, ang mga bagay na hindi ko naisulat ay aking naisabuhay.
Narito ang mga kaganapan sa atin. Nag simula akong magtrabaho noong Setyembre sa isang kasuwal na restawran na may temang chino. Naging chef ako doon. Malayo ang biyahe kung mula sa Imus, inaabot ako ng isang oras at kalahati papunta at pauwi. Kung susumahin, tatlong oras ang napupunta sa bente kwatro kong oras kada araw sa transportasyon ko. Ang oras ng pasok ko ay alas diyes ng umaga. Otso oras ang pasok ko, dalawang oras ang pahinga, kaya 10 oras bali lahat-lahat. Ngunit hindi pa kasama ang oras ng paglilinis doon na umaabot ng isa hanggang dalawang oras. Dose oras sa trabaho, tatlong oras sa biyahe. pitong oras na tulog, isang oras na pag prepara sa pagpasok kasama dito ang pagluluto, pagligo, at pagkain. Bente tres na oras lahat-lahat ang napunta sa oras ko dahil lang sa trabaho. Isang oras ang natitira para sa akin. Isang daan ang bayad sa akin kada oras, at otso hanggang nubewe oras lang ang bayad sa akin, at sa amin. Gantong-ganto ang problemang hindi na pinoproblema ng karaniwang manggagawa dito sa Pilipinas dahil sa hirap ng buhay, walang balanse, puro sa pagsusumakip sa paghahanap-buhay nalang napupunta ang buhay, pero totoo bang mahahanap ko ang buhay ko sa ganoong gawain?
Sa mga huling pasok ko noon, naalala ko na hinahatid pa kita sa iyong pinagtatrabahuhang kilalang fast food chain. Ang pasok mo ay alas sais ng umaga, ako naman ay alas diyes. Gumigising tayo parehas ng alas kuwarto imedya. Magkasama tayong nag aalmusal, at hinhatid kita doon at nagiintay akong tumama ang kamay ng relo sa otso imedya. Hanggang sa nagpositibo ako sa covid, hindi ko na natapos ang natitirang araw ko sa trabaho. Nanatili pa ako sa bahay ninyo ng labing limang araw at pagtapos noon ay umuwi na ako sa amin. Akala ko noon 'minsanan nalang tayo uli magkikita, ngunit nag desisyon kang samahan ako sa amin, kaya't ikaw naman ang nanatili dito hanggang ngyon.
Nakapagtapos na rin tayo ng pag-aaral kamakailan, nagkita ang mama mo at papa ko. Ngayon oras na para magtraho uli. Naiinip na ako pero alam kong 'di na maibabalik ang mga oras na ito, na sa panahong wala akong trabaho, mahaba ang oras natin. Susubukan nating maging manager ngayon upang magamit ang ating pinag-aralan. Sana matanggap tayo sa magandang trabaho na pabor sa atin. Hanggang dito muna, kabiyak ng dibdib.
Comments
Post a Comment